About SSC-R Academics
Administration Admission

Neriza C. Pesigan

Itinanghal na Kampeyon ang mga mag-aaral ng Dominican School Manila sa ginanap na Pasiklaban sa Pagsayaw (Inter-HS) noong Agosto 29 sa Bulawagang Diego Cera ng SSC-R Manila. Tinalo ng nasabing paaralan ang tatlo pang malalaking paaralan sa kamaynilaan, kabilang ang Raha Soliman Science and Technology High School, Espiritu Santo Parochial School, at Victorino Mapa High School na pumangalawa sa nasabing tagisan. Layunin ng nasabing patimpalak na maipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang natatanging galing at husay sa pagsayaw at maipakita ang pagpapahalaga sa wika, kultura at kalinangan ng lahing Pilipino.

Nakamit naman ng mga mag-aaral mula sa BSBA BM4 na sina Karen Ann Gail Carandang, Elijah Cea, Christian Paul Cantuja at Jessica Marie Lopez ang Unang Gantimpala sa kauna-unahang Sarilikhawit, isang tagisan sa pagsulat at pag-awit  ng sariling komposisyon. Ang kanilang komposisyon na pinamagatang “Dahilan” ay nagkamit din ng parangal bilang may “Pinakamahusay na Interpretasyon.” Apat na pangkat ang naglaban-laban sa pinal na tagisan kung saan itinanghal sa ikalawang pwesto ang awiting “Itinadhana” nina Patricia Bianca Centeno ng BAC2 at John Martin Mengullo ng BSA4 at sa ikatlong pwesto naman ang awiting “Aamin na Sana” nina Philip Andrew Rosales at Lewis Gabrielle Ledesma, kapwa mag-aaral ng BAC2.

Sina Prop. Cristina Caluza, Area Chair ng Tourism Dept. ng CIHM, Prop. Francisco Riodique III, Area Chair ng Political Science Dept., at Prop. Mar. Antonieta Zoleta, Area Chair ng Mass Communication Dept. ang nagsilbing mga hurado ng nasabing patimpalak.

Naging matagumpay ang Pasiklaban at Sarilikhawit sa pangunguna ng mga kaguruan ng Departamento ng mga Wika at Humanidades sa ilalim ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham, at sa pakikipagtulungan sa Corporate Communications Department, Student Development and Placement Center, Center for Culture and Arts, Property Administrator’s Office, at mga mag-aaral ng BAC2A at BAC2B.